GOOD NEWS: PNR, may dalawang bagong tren para sa rutang Tutuban-Alabang

GOOD NEWS: PNR, may dalawang bagong tren para sa rutang Tutuban-Alabang

May dalawang bagong tren ang Philippine National Railways (PNR) na magbibiyahe na para sa rutang Tutuban-Alabang.

Sinabi ni PNR General Manager Junn Magno na ang dalawang bagong tren ay ang Diesel Multiple Unit (DMU) 8100 series train cars na binili sa PT Inka, isang rolling stock manufacturer na pag-aari ng Indonesian government.

May tatlong bagon ang isa at apat naman ang bagon ng isa pa. Kada bagon ay kayang maglaman ng 250 pasahero ayon kay Magno.

Sinabi niya na ang oras ng pagitan ng biyahe ay mananatili sa 20 minuto kung pahahabain, o puwedeng 15 minuto lang sa rutang Tutuban hanggang Sucat.

“Kung ilalayo namin ‘yung biyahe, 20 minutes pa rin. Pero kung paglalapitin namin, baka umabot doon between Tutuban and Sucat, baka within 15 minutes ay may bumibiyahe na,” ani Magno, at sinabing mas iikli pa ang oras ng pagitan ng biyahe dahil may paparating pa na dalawa pang tren.

Magsisimula nang bumiyahe ang dalawang tren sa Pebrero 18.

Dahil sa “common carrier status” ng PNR, sinabi ni Magno na ang unang 450 oras ng mga tren ay libre muna sa mga pasahero.

Aniya, “Tatanggap po kami ng pasahero simula Tuesday — dahil in validation pa siya, libre pa ang pasahe, 450 hours.”

Habang sinusubukan ang mga tren, sinabi ni Magno na naroroon ang mga tauhan ng PT Inka para matukoy at maremedyuhan ang anumang problema na posibleng makita, gayundin ang mga tauhan ng PNR para sa proper maintenance ng tren.

Dahil sa mga bumibiyaheng bagong tren simula noong Disyembre 2019, sinabi ni Magno na hindi na nagsisiksikan ang mga pasahero ngayon.

Mula naman sa “20,000 to 30,000 daily passenger capacity” noong 2017, sinabi niya na umabot na ang capacity ng mga sumasakay sa mga lumang tren ng PNR sa 60,000 noong 2018.

Dahil sa mga bagong tren, ang PNR ay magkakaroon na ng daily passenger capacity na 152,000. At sa pagkakaroon pa ng dalawang bagong tren, inaasahan na puwede pang magkasya ang dagdag na 92,000 daily passenger na gagamit ng kanilang serbisyo.

May kabuuang pitong train sets ang binili ng PNR gamit ang kanilang pondo na ipinagkaloob ng Kongreso noong 2018. Ayon kay Magno, binubuo ito ng apat na set ng DMU 8100 series trains na may apat na bagon, at tatlong set ng Diesel Hydraulic trains na may limang rail cars at isang locomotive bawat isa.

Paliwanag niya, “’Yung tinatawag namin na Diesel Hydraulic, ‘yun ‘yung train na ginagamit namin na lumulusong sa baha. Padating na ng around April.”

Kasunod naman ng mga insidente ng pambabato sa mga tren ng PNR, sinabi ni Magno na ang mga bagong tren mula sa PT Inka ay may polycarbonate windows, na mas matibay kaysa bintanang salamin ng mga lumang tren.

Aniya, “Polycarbonate na ‘to, hindi na ‘to salamin. Katulad ng dalawa naming bago, binabato ‘yun pero hindi naman nababasag.”

Idinagdag niya na ang lahat ng tren ng PNR, maging ang mga pinakaluma, ay papalitan na nila ang mga bintanang salamin ng polycarbonate.

Source: Balita Central, Philippine News Agency