Pangulong Duterte, nagpatupad ng temporary travel ban sa mga turista mula sa Mainland China, Hong Kong, at Macau

Pangulong Duterte, nagpatupad ng temporary travel ban sa mga turista mula sa Mainland China, Hong Kong, at Macau

Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng temporary travel ban sa lahat ng mga turistang manggagaling sa Mainland China, Hong Kong at Macau.

Ito ang kinumpirma ni Senador Bong Go sa harap ng banta ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV).

“Sa ngayon ay mag-i-implement na ng temporary travel ban on travelers coming from any part of China and its special administrative regions on top of the existing temporary travel ban imposed on those coming from Hubei province and other affected areas,” ani Go.

“Taking into consideration the concerns raised by key government officials and health experts, the President made a decision and has agreed to adopt this recommendation and implement it immediately as additional precautionary measure to protect the Filipinos. Sa ngayon ay magkakaroon na tayo ng travel ban sa lahat ng nanggagaling sa Tsina,” dagdag pa niya.

Aniya, ang desisyon ng Pangulo na magpatupad ng temporary travel ban ay alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) na isang global health emergency ang coronavirus outbreak.

Hindi rin papasukin ang mga dayuhang galing ibang bansa pero nanggaling muna sa China sa loob ng 14 na araw bago ang kanyang arrival.

Hindi naman kasama sa travel ban ang Pilipino at holders ng permanent resident visa na inisyu ng gobyerno ng Pilipinas pero kinakailangan nilang sumailalim sa 14-day quarantine.

Nilinaw din ni Go na lahat ay pagbabawalan, hindi lang mga Chinese national basta manggagaling sa mga nabanggit na bansa.

“Magkakaroon tayo ng temporary ban banning the entry of any person except Filipino citizens and holders of permanent resident visa issued by the Philippine government directly coming from China and its special administrative regions,” sabi ni Go.

“Kung ibang bansa naman ang pinanggalingan mo pero nanggaling ka sa China within 14 days before arrival at hindi ka Pilipino o Philippine resident, hindi ka makakapasok sa Pilipinas,” hayag pa niya.