in

Pulis na naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa Maynila, arestado

Matapos ang kasong robbery extortion na kinaharap ng isang pulis sa Pasig ay isa namang pulis-Maynila ang nakatikim ng galit ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar.

Halos isang linggong minanmanan ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng NCRPO si PO1 Ferdinand Rafael, 52-anyos at nakadestino sa Manila Police District (MPD).

Kalaboso si Rafael sa isinagawang buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila at naaktuhan pang gumagamit ng iligal na droga.

Nakuhaan ang naturang pulis ng 15 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P102,000.

Iniharap ang suspek kay Eleazar at Manila Police District Director Vicente Danao Jr.

Sa press briefing, ikinadismaya ni Eleazar na may pulis na sangkot sa iligal na droga gayong pinangungunahan ng pulisya ang drug war campaign ng administrasyong Duterte.

Wala aniyang pinagkaiba si Rafael sa mga pulis na nahuli dahil sa extortion.

Giit ni Eleazar, ang mga police scalawags ay hindi kailangan ng pwersa ng Philippine National Police (PNP).

Tiniyak naman ni Eleazar na matatanggal sa serbisyo si Rafael at sasampahan ito ng patung-patong na kaso.

PANOORIN: PULIS-MAYNILA, ARESTADO MATAPOS MAAKTUHANG GUMAGAMIT NG ILEGAL NA DROGA