Buntis na hindi nakabayad ng inupahang bahay, tinanggalan ng bubong at pinto ng landlady, tinulungan ni Willie Revillame

Buntis na hindi nakabayad ng inupahang bahay, tinanggalan ng bubong at pinto ng landlady, tinulungan ni Willie Revillame

Hindi nagdalawang isip na tulungan ng TV host na si Willie Revillame ang isang buntis na tinanggalan ng bubong at pintuan ng kaniyang landlady dahil hindi makapagbayad sa inuupahang bahay.

Kamakailan ay mabilis nag-viral sa social media ang sitwasyon ni Princess Remureran matapos itong i-upload ng netizen na si Czaira Cheng.

Ayon kay Remureran, residente ng Barangay 167 sa Caloocan City, nabigo siyang magbayad sa landlady na si Tessie Banico dahil nawalan ng trabaho ang mister at na-stranded ito dulot ng ipinatupad na lockdown.

“Bigla na lang siyang bumaba dito tapos sabi samin ang kakapal ng mukha kasi di nagbabayad-upa,” kwento ni Remureran.

Sinabi ng landlady na si Tessie na nakakuha naman ng ayuda sa Department of Solcial Welfare and Development (DSWD) si Remureran kaya dapat na silang magbayad ng P5,000 para sa dalawang buwang upa.

Kaya naman sa programang “Tutok To Win,” tinawagan ni Revillame ang buntis upang ipaalam na babayaran niya ang anim na buwang upa nito.

Sasagutin din ni Revillame ang upa ng isa pa niyang kapitbahay na inalisan din ng bubong na kinilalang si Glenda Malvas.

Maliban dito, bibigyan sina Remureran at Malvas ng tig-P10,000, mga delatang pagkain, at dalawang sakong bigas.

“Hulog ito ng langit sa inyo. Kung hindi binuksan yung bubong mo, hindi ka makikita at di namin malalaman ang nangyari,” ani Revillame.

Maging ang uploader ng video ay tatanggap ng P20,000 mula kay Revillame.

Hiling naman ni Kuya Wil, huwag na sanang magalit ang mga tenant sa may-ari ng inuupahang bahay.

“Siyempre intindihin din natin na may pangangailangan din sila,” paliwanag ng premyadong TV host.

Nabatid sa Department of Trade and Industry (DTI) na maaring makulong ng 2-buwan at pagmultahin ng P10,000 depende sa diskresyon ng korte ang landlady na magpapalayas ng tenant sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, posibleng maharap sa kasong kriminal ang landlady.

“Titingnan natin kung anong paglabag iyan. Pupuwedeng criminal in nature din iyan, lalo na kung in-expose niya [sa panganib] iyong buhay ng nangungupahan doon,” aniya.

Determinado naman si Remureran na sampahan ng kaso ang landlady matapos ang lockdown.