Rappler CEO Maria Ressa, hinatulang guilty sa kasong cyber libel; sinintensiyahan na makulong ng 6 buwan hanggang 6 taon

Rappler CEO Maria Ressa, hinatulang guilty sa kasong cyber libel; sinintensiyahan na makulong ng 6 buwan hanggang 6 taon

Hinatulan na guilty ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 si Rappler CEO at Executive Editor Maria Ressa at dating Rappler researcher-writer Reynaldo Santos sa cyber libel charges na ibinaba ngayong Lunes, Hunyo 15.

Ito ang naging desisyon ni Judge Rainelda Estacio-Montesa kay Ressa at Santos.

Base na desisyon ni Estacio-Montesa, napatunayang guilty beyond reasonable doubt si Ressa at Santos sa kasong ibininintang sa kanila.

Dahil dito, ipinag-utos ng husgado ang pagkakakulong ng sa mga ito ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon na pagkakakulong.

Inatasan din ng korte ang mga akusado na magbayad ng P200,000 na moral damages at karagdagang P200,000 bilang exemplary damages.

Nag-ugat ang kaso sa artikulong isinulat ng Rappler noong 2012 at sinasabing muling inilathala online noong 2014 laban sa negosyanteng si Wilfredo Keng na nagsasangkot dito sa human trafficking at drug smuggling.

Sinabi ng korte na unang nailathala ang artikulo noong May 2012 pero muli itong ipinublished noong February 2014 kaya sakop ito ng Cyber Libel Law.

Hindi naman agad makukulong si Ressa at Santos dahil puwede namang magpiyansa ang mga ito at puwede nilang iapela ang kaso sa Supreme Court (SC). 

Samantala, aapela umano ang Rappler laban sa desisyon ng korte, ayon sa abogado nila na si Atty. Theodore Te.