Coco Martin at iba pang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ cast, nakipagsanib-puwersa para ipanawagan ang ABS-CBN franchise renewal

Coco Martin at iba pang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ cast, nakipagsanib-puwersa para ipanawagan ang ABS-CBN franchise renewal

Dumalo si Coco Martin at iba pang cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa isang misa para ipagdasal na dinggin na ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN nitong Biyernes, Pebrero 21.

Kabilang si Coco sa mga artista at empleyado ng ABS-CBN na nagsindi rin ng kandila sa paligid ng network compound at nagdasal.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na papanoorin ng Palasyo ang gagawing pagbusisi ng mga senador sa prangkisa ng nabanggit na TV network pati na kung ano ang gustong gawin ng mga senador.

Ayon kay Panelo, nais din nilang malaman ang katotohanan kung nasusunod ba ng ABS-CBN ang mga nakapaloob na probisyon ng kanilang prangkisa o may nilalabag sa mga ito.

“Manunood tayo. Alam mo, sabi nga ni Presidente doon sa KBB, kahit anong gawin ninyo basta ang gusto ko lang, katotohanan – murahin ninyo ako, siraan ninyo ako, okay lang. Kung totoo, sige gawin ninyo. Ang ayaw ko kung ang ginagawa ninyo ay puro kasinungalingan eh doon tayo hindi nagkakasundo,” ani Panelo.

Iginiit ni Panelo na walang koneksiyon ang freedom of the press sa prangkisa ng ABS -CBN na nakatakdang mag-expire sa March 30.

Hindi rin aniya si Pangulong Duterte ang dapat kalampagin at pagbuntunan ng sisi dahil ang Kongreso ang may hurisdiksiyon sa pag-iisyu ng prangkisa.

“Ang nakakayamot is pinapasok nila iyong freedom of the press na connected – walang koneksiyon eh. . Ipagpalagay natin nawala ang ABS-CBN, are you telling me na namatay na ang freedom of the press? Of course not! Ang daming networks, ang daming radyo, ah ewan ko ba,” dagdag pa ni Panelo.

PANOORIN: Nagtipon-tipon ngayon ang mga empleyado, Kapamilya stars, mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon, at mga kasama sa media para ihayag ang suporta sa ABS-CBN at sa kalayaan sa pamamahayag.

Source: Abante News