in

21 higanteng cutter head ng tunnel boring machine, gagamitin para mapabilis ang Metro Manila Subway Project

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) ang social media post ng blogger na si Mark Lopez na gagamit ang gobyerno ng 21 tunnel boring machine (TBM) para sa konstruksyon ng Metro Manila Subway project (MMSP).

Ayon sa DOTr, unti-unti nang nakukulayan ang naturang proyekto na tinaguriang “Project of the Century” ng bansa.

“Hindi lang isa, dalawa o tatlo, kundi DALAWAMPU’T ISANG (21) TBM ang gagamitin para sa mas mabilis at mas ligtas na konstruksyon sa incredible subway na ito,” sabi sa Facebook post ng DOTr.

Ayon kay Lopez, naka-order na raw ng 6 na units ang gobyerno at nalalabing 15 ay makukumpleto sa susunod na taon.

“Yung 6 na units ay na order na at makukumpleto hanggang next year. Gusto kasi ng administrationg Duterte na maging isang ganap na katuparan sa lalong madaling panahon ang dating pangarap lang natin,” saad ni Lopez.

Magsisimula ang paghuhukay ng station boxes sa 4th quarter ngayong 2019, habang ang tunnel boring naman sa pagitan ng mga istasyon ay sisimulan sa 2nd quarter ng 2020.

Aabot ng halos P357 billion ng halaga ng proyekto at ang unang tatlong istasyon nito ay inaasahang magiging operational na sa 2022.

Babagtasin nito ang mula Mindanao Avenue hanggang Tandang Sora at didiretso sa North Avenue.