in

Isang Grade 6 Student, sumasakay sa alagang kabayo upang makapasok sa paaralan

Isang Grade 6 student mula sa Norala, South Cotabato ang pumapasok sa paaralan araw-araw na nakasakay hindi sa tricyle o jeep kundi sa kanyang alagang kabayo.

Ayon kay Mel John Malino, mag-aaral sa Lower Tinago Elementary School, araw-araw siyang dumaraan sa makitid, matarik, at malabundok na daanan para makapasok sa paaralan.

Kumpara sa ibang mag-aaral sa lugar, mas maswerte si Mel John dahil mayroon silang kabayo, kaya naman madalas ay inaangkas niya rito ang ibang kaklase tuwing papasok at pauwi.

Madilim pa lang ay gising na si Mel John sa unang araw ng pasukan sa Barangay Tinago.

Taliwas sa ibang mga bata na unang inihahanda ang kanilang mga gamit sa paaralan at uniporme, siya naman ay inaasikaso muna agad ang kanyang kabayo na pinangalanan niyang Norel.

Pagkatapos niyang maghanda ay aangkas na siya sa kanyang kabayo at dadaanan ang ibang mga kaibigan upang isabay papuntang paaralan.

Nang tanungin siya kung bakit niya naisipang isakay ang ilan sa kanyang mga kaibigan, “Para matulungan ko sila para hindi sila mapagod,” sagot ni Mel John.

Hindi madali ang pagsakay sa likuran ng isang kabayo dahil mahirap bumalanse lalo’t matarik ang daan pababa.

Mahalaga raw na eksperto sa kabayo ang sasakay rito upang mapasunod ito nang tama. Ito ay isa sa mga natatanging kakayahan niya na talaga namang nakabibilib.

Hindi raw tulad si Mel John sa ibang mga bata, na madalas nagbisikleta o naglalaro, “Dahil sa mga kamag-anak, naipaalaga nila ‘yung kabayo,” ayon sa kanyang lola.

Subalit hindi maikakaila ang araw-araw na panganib na ikinakaharap ni Mel John upang makapasok sa paaralan dahil mabato at madulas ang ilang bahagi ng kalsada na dinadaanan niya.

Kamakailan lang, napabalitaang may nahulog na isang truck sa bangin sa daang palaging tinatahak ni Mel John.

Ito ang isa lamang sa mga panganib na araw-araw hinaharap ni Mel John at ng ilan pang mga bata sa kanilang probinsya para makapag-aral.

Bukod sa walang maayos na kalsada, wala ring maayos at maasahang sistema ng transportasyon. Nasa tatlong kilometro ang layo ng bahay ni Mel John mula sa kaniyang paaralan.

Pagod man sa nakagawiang biyahe, nakatutuwang hindi naman nawawalan ng sipag si Mel John sa pag-aaral.

“May award siya na perfect attendance, so ‘yan nakatulong sa kaniya kung paano siya nag-top sa klase. Nakatutulong sa kaniya ‘yung kabayo niya,” sabi ni Richard Padernal, principal ng Tinago Elementary School.

Kabilang ang pamilya ni Mel John sa tribong T’boli at B’laan na matatagpuan sa bulubundukin ng South Cotabato kung saan ilan sa mga pangunahing problema ay kakulangan ng imprastruktura gaya ng mga kalsada, paaralan, at pag-aangkin ng kanilang lupain at karahasan dulot ng mga rebelde.

Ayon sa principal, bihirang may taga barangay Tinago ang tumutuloy at nagtatapos ng high school dahil sa layo na kailangang tahakin bago makarating sa paaralan.

Gayunpaman, hindi ito itinuturing ni Mel John na balakid upang maabot ang kanyang mga pangarap at maging isang pulis balang araw para makatulong sa kanyang pamilya.

PANOORIN: BATANG PURSIGIDONG MAG-ARAL, GAMIT ANG ALAGANG KABAYO PARA MAKARATING SA PAARALAN