≡ Menu

Pangulong Duterte sesertipikahang urgent ang isang anti-discrimination bill, hindi ang SOGIE Equality Bill

Pangulong Duterte sesertipikahang urgent ang isang anti-discrimination bill, hindi ang SOGIE Equality Bill

Nilinaw ng Malacañang na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang diskriminasyon sa lahat ng uri ng tao, miyembro man ng lesbian, bisexual, transgender, queer and questioning (LGBTQ+) community o hindi.

Paliwanag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kung bakit hindi Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression (SOGIE) Bill ang isesertipika ni Pangulong Duterte bilang urgent measure.

Sinabi ni Panelo na may mga panukalang batas naman gaya ng anti-discrimination bill na mas malawak ang sakop.

“He was referring to an anti-discrimination bill, not SOGIE Bill much like the anti-discrimination ordinance existing in Davao passed when he was still the mayor there. He was referring — In fact he said, ‘I have that, we have that in Davao.’ He was really, specifically referring to that law in Davao,” sabi ni Panelo.

Ayon kay Panelo, gaya ng ipinatutupad sa Davao City na bawal ang diskriminasyon sa mga bata, may mga kapansanan at mga miyembro ng LGBTQ+.

“You cannot discriminate the handicapped, special children, the third gender, everyone. You cannot legislate for a particular class only. You are discriminating,” ani Panelo.

“It must be general. That’s what the President doesn’t like, when you discriminate against a particular class. He is outraged by any form of discrimination against any particular class or person,” dagdag pa niya.

Katulad aniya ng inihayag Senate President Tito Sotto III, posibleng magkaproblema sa “class legislation” o ang pagbuo ng batas na para lamang sa partikular na grupo ng tao dahil ito mismo ay posibleng diskriminasyon naman sa ibang mga grupo.

Ipinaliwanag ni Panelo na hindi naman dapat madismaya ang mga miyembro ng LGTBQ+ community kung hindi ang SOGIE Bill ang sisertipikahang urgent ni Pangulong Duterte, dahil sakop pa rin sila ng anti-discrimination bill.

Nilinaw rin ito ni Sotto na sesertipikahang urgent ni Pangulong Duterte ang anti-discrimination bill at hindi ang SOGIE Bill.

“I am told the President is not certifying the SOGIE Bill. He is willing to certify an anti-discrimination bill sans LGBT issues. A general anti-discrimination bill like the Davao ordinance,” ani Sotto.

Saad pa ni Sotto, naniniwala siya na babasahin pa lang ng Pangulo ang SOGIE measure.

“He might have said SOGIE but I know he means anti-discrimination bill on persons puwede. Pero focused on gays, which the SOGIE Bill is, and religious and academic freedom impeded plus smuggling of same sex marriage? It has no chance of passing in the Senate.”

Magugunitang direktang tinanong ang Pangulo kung sesertipikahan niya bilang ‘urgent’ ang SOGIE Equality Bill.

Sa kanyang talumpati sa Malakanyang, nangako ang Pangulo na gagawin niya ang anumang paraan na maaaring magpabilis sa naturang panukala na layong protektahan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community.

Pabiro pang ginamit ng Pangulo ang tagline ni dating Senador Juan Ponce Enrile bilang patunay na gagawin niya ang magpapasaya sa LGBTQ+ community.

“Yes whatever would make the mechanisms, what would make them happy. Gusto ko, kagaya kay Senator Enrile, gusto ko happy siya,” pahayag ng Pangulo.