in

Pastor na nagbibigay ng values lecture sa mga pulis, arestado dahil sa pagbebenta ng iligal na droga sa Quezon City

Naaresto ang isang pastor na naaktuhang nagbebenta ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulis sa Cubao, Quezon City.

Dinaan na lang umano sa dasal ng 49-anyos na pastor mula sa Cainta, Rizal matapos siyang arestuhin ng mga pulis, na isang buwan na nagmamanman sa suspek.

“Kasi pag may nahuhuli kami sa may bandang Aurora, binabanggit po sa amin na isa ito sa nagbibigay sa kanila. Talagang nagduda muna kami sa una hanggang sa nakabili ang poseur buyer namin,” ani Police Capt. Ramon Aquiatan ng Cubao Police Station.

Nakuha mula sa suspek ang sampung sachet ng shabu na dadalhin sana sa Cainta.

Inamin naman ng pastor na dalawang buwan na siyang gumagamit ng shabu, impluwensiya umano ng mga kaibigan.

“Wala pong nakakaalam na nagbibisyo ako, walang nakakaalam even po mga kamag-anak even asawa ko,” aniya. “Di po talaga ako nagbebenta sir. Nagkataon lang kanina, kinapos po ako sa pera.”

Nalaman pa ng pulis na nagturo ang suspek ng values formation sa mga pulis at estudyante.

“Sabi ko pano ka makakahikayat kung ikaw mismo sa sarili mo ay nagbebenta at gumagamit ng droga?” ayon kay Aquiatan.

“Gabayan na lang po ako ng Panginoon. Tanggapin ko na lang itong nangyari sa akin. Patawarin na lang po ako even ng pulis, saka ng pamilya ko na nasaktan ko sila,” ayon sa suspek.

Nahaharap ngayon ang pastor sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.