≡ Menu

Driver ng kotseng nang-araro ng mga sasakyan sa Maynila at suspek sa pagkawala ng 2 Grab driver, patay sa shootout

Driver ng kotseng nang-araro ng mga sasakyan sa Maynila at suspek sa pagkawala ng 2 Grab driver, patay sa shootout

Napatay sa engkuwentro sa Cavite ang lalaking sangkot sa pang-aararo ng mga sasakyan sa Maynila noong Mayo at suspek din sa pagkawala ng dalawang Grab driver.

Sinabi ng mga awtoridad na pinuntahan ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang bahay na kinaroronan ng suspek na si Frankie Mark Serrano, sa Barangay Santol sa Silang, Cavite para isilbi ang arrest warrant.

Pero sa halip na sumuko, sinabi ni CIDG 4A Chief Lawrence Cajipe, nagpaputok daw ng baril si Serrano hanggang sa mapatay ng mga pulis.

Ginamit pa raw na panangga ni Serrano ang kinakasama nito na ligtas namang nasagip.

“Ginawa niyang cover para makatakas sa likod. May tropa tayong nakaabang sa likod. Pinaputukan niya ang tropa,” ani Maj. Warly Bitog, hepe ng CIDG Cavite.

“Nag-resist po siya. May gumulong na granada kaya tumakbo kami palabas na,” ani Bitog.

Bukod sa baril, nakuha din umano ng mga pulis kay Serrano ang isang granada.

Bago nito, nasangkot si Serrano sa pag-aararo ng mga sasakyan sa Maynila matapos na sitahin ng traffic enforcers dahil sa paglabag sa batas-trapiko.

Nakatakas si Serrano pero nakita kinalaunan ang ginamit niyang sasakyan sa insidente na natuklasang carnap.

Ang tunay na driver ng nabawing sasakyan na isang Grab driver na si Lawrence Fajardo ay patuloy na nawawala.

Hinihinala na may kinalaman si Serrano sa pagkawala ng isa pang Grab driver na si Manuel Alegria Almodin.

Nasangkot din si Serrano sa ilang insidente ng pamamaril sa Cavite na nakuhanan pa sa video.

Bagaman patay na si Serrano, sinabi ng mga awtoridad na patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon sa mga kasong kinasangkutan nito.

“Kung nakuha sana ng buhay, ma-solve sana sakaling aminin niya saan niya dinala ang mga biktima, ‘yong sa Grab driver na nawawala pa rin,” ani Bitog.

WATCH: Napatay sa police operation ang suspek sa pagkawala ng ilang Grab drivers na sangkot sa nag-viral na vehicular accident sa Maynila.