fbpx
≡ Menu

CCTV footage ng pagpasok ng 7 suspek sa panloloob sa isang bangko sa Binondo, nilabas na

Pinag-aaralan na ngayon ng mga awtoridad ang kuhang CCTV footages malapit sa bangko na pinasok ng 7 armadong kalalakihan sa Binondo, Maynila.

Mapapanood sa video na may hindi bababa sa limang lalaki na may dalang malaking bag ang pumasok sa bangko at isa-isang naglabasan matapos ang ilang minuto.

Una rito, nag-alok na si Manila Mayor Isko Moreno ng pabuya para sa makakapagturo sa mga suspek.

Kabuuang P1 million ang inialok ng alkalde para sa ikadarakip sa mga holdaper na nanloob sa Metrobank Sto. Cristo Branch sa Binondo.

Ayon sa alkalde, hindi raw niya papayagan ang panggugulo at pamemerwisyo ng mga masasama ang loob sa lungsod ng Maynila.

“I am now offering P1 million for the arrest of these at least seven suspects who also took away the CCTV of the bank. But as per information, the Manila Police District have already secured a copy of the CCTV from the barangay,” saad ng alkalde.

Pinasok ng mga kawatan ang sangay ng bangko na matatagpuan sa Sto. Cristo Street, alas-8:40 ng umaga, ayon sa pulisya.

Nanawagan na rin ang alkalde sa mga suspek na sumuko at ikanta kung sino ang mastermind sa insidente.

“To those individuals who are watching, whoever knows and who will know and who can give us information to capture the criminals, I will give you a P1 million reward,” ani Moreno.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 11, nasa pitong suspek ang nanloob sa naturang bangko.

Lumalabas na ipinasok sa isang kuwarto at itinali ang mga guwardiya at empleyado.

Wala namang napaulat na nasawi o sugatan sa bangko pero malaki umano ang posibilidad na may nakuhang pera dahil kabubukas pa lamang ng bangko.