Syrian vlogger, pinakyaw ang panindang prutas ng isang matandang naglalako ng mangga

Syrian vlogger, pinakyaw ang panindang prutas ng isang matandang naglalako ng mangga

Muling nagpakita ng kaniyang malasakit at kabayanihan ang dayuhang vlogger na si Basel Manadil na mas kilala bilang The Hungry Syrian Wanderer sa isang matandang naglalako ng mangga.

Habang nasa daan napansin ni Basel ang isang kariton na may kakaibang gimik. Nakita niya ang matandang naglalako ng prutas na dala mismo ang parte ng puno ng mangga sa kanyang kariton.

“Yung dinala na pati puno ni Tatay to attract customers to notice and buy his fruits habang naglalako sa kalsada. Namunga na ng iba’t ibang prutas ang puno ng mangga ni Tatay,” saad ni Basel.

Kaya agad naman pinakyaw ni Basel ang paninda ni Mang Renato, ang 47-anyos na fruit vendor na isang oras naglalakad mula Muntinlupa hanggang Las Piñas para makabenta lamang ng prutas.

“Reviving Bayanihan. To show people maraming mga nangangailangan at sana sa mga may kaya tumulong sa mga katulad nila. This is the best time na magtulungan. Huwag mawawalan ng pag-asa mga Kababayan, malalagpasan din natin ito,” dagdag pa sa caption ni Basel.

Matatandaan na isa ang Syrian vlogger sa mga namakyaw ng face mask para idonate sa mga taga-Taal noong sumabog ito.

Binuksan din niya ang kaniyang restaurant at nagpakain ng libre noong nagsimula ang pandemya na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nakilala si Basel sa kanyang inspiring vlog contents sa social media kung saan gumagawa siya ng humanitarian deeds tulad ng pamimigay ng pagkain sa mga homeless.

Mag-isang nagpunta sa Pilipinas sa edad na 18, magpi-pitong taon nang naninirahan sa bansa ang vlogger na may pusong Pinoy matapos mawasak ng civil war sa Syria ang kanilang bahay noong 2013.