Panibagong lockdown rules sa mga lugar sa bansa, iaanunsyo ni Pangulong Duterte sa Hunyo 15

Panibagong lockdown rules sa mga lugar sa bansa, iaanunsyo ni Pangulong Duterte sa Hunyo 15

Nakatakdang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang desisyon kung babawiin, palalawigin, o imo-modify ang iba’t ibang lockdown measures na ipinatutupad para mapigil ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa darating na Lunes, Hunyo 15.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na habang ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ay nakagawa na ng rekumendasyon ay hindi pa aniya ito pinal at ito ay nananatiling ‘subject to change.’

“Hindi po natin pangungunahan ang Presidente sa kanyang announcement and besides meron pa pong mga apela na mangyayari so ‘yung listahan po ay hindi pa final,” ayon kay Roque.

“The only options are magiging modified GCQ, GCQ, o modified ECQ. Hindi masyadong bago o different ang mga classifications na pwede papuntahan ng Metro Manila at Cebu City,” dagdag pa niya.

Ang Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Pangasinan, Albay, Western Visayas, Cebu City, Mandaue City, at Davao City ay kasalukuyang nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) hanggang Hunyo 15.

Samantala, ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim naman ng modified general community quarantine (MGCQ), ‘least strict form’ ng community quarantine na ipinatupad ng pamahalaan.

Nauna rito, sinabi ni Sec. Roque na ang Metro Manila kung saan may malaking bilang ng kaso ng COVID-19 na naitala ay may tsansa na maibaba sa ‘most lenient MGCQ’ o mananatili sa ilalim ng GCQ. 

Sa mga IATF meeting pinapasa ang mga resolusyon at rekomendasyon kaugnay sa pinapatupad na mga hakbang ng gobyerno laban sa banta ng COVID-19 sa bansa.

Source: Remate