fbpx
≡ Menu

$202-M loan agreement para sa Mindanao road projects, nilagdaan ng Pilipinas at Japan

Nilagdaan ng Pilipinas at Japan ang $202 million (P10.5 billion) loan agreement para sa kontruksyon at rehabilitasyon ng mga kalsada sa Mindanao, kabilang ang war-torn Marawi City.

Sinelyuhan ang kasunduan sa naganap na Japan Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation sa pagitan ng dalawang bansa sa Clark, Pampanga.

Kabilang sa road projects ay ang konstruksyon, rehabilitasyon at pagpapaganda sa 176.7 kilometrong kalsada na mag-uugnay sa Bangsamoro Autonomous Region sa trade centers sa Mindanao.

Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez, ang gobyerno ng Japan ay ang nagbigay ng pinakamalaking donasyon para sa rehabilitasyon ng Marawi at nangako pa ang mga ito na kung kailangan pa ng bansa ng pondo ay handa silang magbigay.

“The Japanese government is the largest donor or source of funds for our Marawi rehabilitation and they mentioned that if there is more needed they are willing to provide the funds,” ani Dominguez.

Naniniwala rin siya na mapalalakas ang lokal na ekonomiya at mababawasan ang kahirapan sa maraming lugar ng mga nakalatag na road projects na mag-uugnay sa mga trade center sa Mindanao.

“It aims to reinvigorate local economies and reduce poverty in its communities by linking them to Mindanao’s trade centers, thus improving accessibility and the smooth flow of goods and services to and from these areas,” sabi pa ng kalihim.

Napagkasunduan pa ng Japan at Pilipinas na tatrabahuhin ang paglagda ngayong taon sa isang supplemental loan para sa isinasagawang Davao City Bypass Construction Project, at sa tatlo pang loans para sa New Mactan Bridge Construction Project sa Cebu, second phase ng Metro Manila Priority Bridges Seismic Improvement Project, at second tranche para sa first phase ng Metro Manila Subway Project.