≡ Menu

Pangulong Duterte, sasampahan ng economic sabotage ang mga Senador na nasa likod ng maperwisyong kontrata sa Maynilad at Manila Water

Pangulong Duterte, sasampahan ng economic sabotage ang mga Senador na nasa likod ng maperwisyong kontrata sa Maynilad at Manila Water

Inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tagilid at kwestyonable ang kontratang pinasok ng gobyerno noong 1997 sa Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water.

Ayon sa Pangulo, nagpayaman ang mga water distributor sa pamamagitan ng naturang kontrata at naniningil ng sobra-sobra sa mga consumer.

“Ang ating tubig ginawang negosyo ng mga tao dito sa Pilipinas. Ang ngayon, ang inabutan natin ang may-ari na ngayon Manila Gas, Maynilad, si Ayala pati si Pangilinan. We are being milked by billions and pinapabayad pa tayo ng mga fines and penalties,” ani Duterte.

Aniya, isasapubliko niya ang mga nasa likod ng naturang mga kontrata at nagbantang papanagutin ang mga tinatawag na “oligarch” na nakinabang dito.

Natanong din ng Pangulo kung mayroon bang kinalaman sa pagbuo ng naturang kontrata ang Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon at iba pang mambabatas.

“Bakit pumayag ang mga senador diyan? And we will expose them. And I will insist that they be tried for economic sabotage. ‘Pag hindi nila tanggapin ‘yang kaso na ‘yan, I’ll tell the Supreme Court. Now is the time that we talk seriously, na bilihan ng kaso,” sabi ng Pangulo.

“Ito ifa-file ko ‘to… economic sabotage and I will arrest them lahat silang mga… Patikim ko sila paano ang buhay ng preso. Kung pati ako isasali nila, sasali ako doon sa presohan. Walang problema ‘yan. Walang mawala sa akin. Wala akong pinapatakbong gobyerno. Pero hihilain ko sila kung ako titirahin nila,” dagdag pa nito.

Samantala, inutusan naman niya ang ilan sa kaniyang mga miyembro ng Gabinete na bumuo ng panibagong kontratang makatwiran para sa mga consumer.

Matatandaang pinarerepaso ni Pangulong Duterte sa Department of Justice (DOJ) ang 1997 Maynilad at Manila Water Concession agreements dahil sa naranasang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit probinsya noong Marso.

Tinutuligsa din ng Pangulo ang naging desisyon ng permanent court of arbitration sa Singapore ng panigan ang Manila Water sa kaso nito laban sa gobyerno noong 2015 at pagmultahin ng bilyong-bilyong pisong halaga dahil sa pagpigil na magtaas ng singil sa tubig.

Kung matatandaan, ilang beses na ring binatikos ng Pangulo ang ‘onerous’ na kontrata, kung saan nakasaad na hindi maaaring makialam o manghimasok ang gobyerno sa rate-setting ng mga water distributor.

Ayon kay Pangulong, libre ang tubig sa Pilipinas at distributor lang naman ang papel ng mga ito.

Sinabi ng Pangulo, na panahon na upang i-expose ang mga mayayamang nakikinabang dito, at hindi siya natatakot kung ang hakbang na pagbangga sa mayayamang ito ang magdi-determina kung mapapabilis ang pagbaba niya sa pwesto, o kung kakasuhan rin siya ng mga ito.