in

‘Bigtime’ supplier ng party drugs, patay sa buy-bust operation sa Maynila

Nauwi sa engkwentro ang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isang condominium building sa Sta. Cruz, Maynila.

Napatay ang negosyanteng kinilalang si Steve John Pasion.

Ayon kay PDEA-NCR Director Joel Plaza, si Pasion ang pinakamalaking supplier ng ectasy o party drugs sa Metro Manila na aniya target ng suspek ay mga estudyante at mga modelo.

“‘Yung modus operandi nila, ginagawa nilang storage o warehouses itong condominium,” sabi ni PDEA-NCR Director Joel Plaza.

Sa isinagawang buy-bust ng mga operatiba sa parking area ng condominium building, nakaramdam umano si Pasion na mga awtoridad pala ang kanyang katransaksyon.

Nang aarestuhin na daw si Pasion, sinubukan nitong tumakas gamit ang kaniyang sasakyan ngunit naharang siya ng mga awtoridad.

Sinubukan siyang pababain ng mga operatiba ng PDEA pero bumunot ito ng baril sa loob ng kaniyang sasakyan kaya’t napatay sa operasyon.

Sa bisa ng search warrant ng pulisya, narekober ang mahigit P300,000 halaga ng shabu at ectasy sa sasakyan ni Pasion.

Hinalughog din ng mga awtoridad ang condominium unit ng suspek kung saan nakuha ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon at liquid ecstasy na nagkakahalaga naman ng P75,000.

Sinubukan pang isugod sa ospital ang suspek ngunit idineklara ring dead on arrival.

Samantala, arestado rin ang ka-live in partner ni Pasion na si Sophie Mercado na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0