≡ Menu

FEU student na ni-recruit umano ng makakaliwang grupo, humarap sa media: Hindi ako investment ng magulang ko

FEU student na ni-recruit umano ng makakaliwang grupo, humarap sa media: Hindi ako investment ng magulang ko

Mariing pinasinungalingan ng Far Eastern University (FEU) student at Anakbayan member na si Alicia Lucena ang pahayag ng kanyang mga magulang na kinidnap ito para sumali sa makakaliwang grupo.

Humarap ang estudyante sa Kamara kasama ang mga kongresista ng Makabayan Bloc at iginiit na kusang loob ang kanyang pagsama sa makakaliwang grupo.

Iginiit ni Alicia na walang pumilit sa kanya na sumama sa Anakbayan at sumanib siya sa grupo dahil nakita niya ang pangangailangan na kumilos ang kabataan laban sa mga hindi makatwirang polisiya ng gobyerno.

“May sapat na akong kaalaman, parang sinasabi nila na parang obligasyon ko raw at responsibilidad ko na sumunod sa kanila dahil nag-invest sila sa akin at dapat ibalik ko yun sa kanila,” saad ni Alicia.

“Parang investment lang ang pagiging anak, ayoko pong maging investment lang dahil hawak ko po yung sarili kong buhay, may mga sarili akong desisyon at buhay ko ito,” dagdag pa niya.

Sinuportahan naman ng Makabayan Bloc ang pahayag ni Lucena at iginiit na ang ginawang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng nawawalang mga kabataan ay maituturing na “witch hunt” para lumutang at matukoy ang mga sumasali sa mga progresibong grupo.

Bago ito, pinabulaanan na ng estudyante sa pamamagitan ng Facebook post na siya ay nawawala at nilinaw na nilayasan niya ang pamilya matapos umano siyang i-house arrest dahil kontra ang mga ito sa kagustuhan niyang maglingkod sa bayan.

WATCH: FEU student at Anakbayan member Alicia Lucena, humarap sa kamara at iginiit na kusang loob ang kanyang pagsapi sa makakaliwang grupo.