Higit $10-B na investment maiuuwi ni Pangulong Duterte sa pagbisita sa China

Higit $10-B na investment maiuuwi ni Pangulong Duterte sa pagbisita sa China

Tiwala ang Department of Trade and Industry (DTI) na makakapag-uwi ng panibagong $10 billion investment at trade deals si Pangulong Rodrigo Duterte sa apat na araw na pagbisita nito sa China.

Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, na mayroong kabuuang 190 na mga business leaders mula sa bansa ang makikibahagi bilang private sector sa 2nd Belt and Road Forum (BRF).

Ang nasabing panibagong investments at trade deals ay gagawa ng mahigit na 20,000 na bagong trabaho sa Pilipinas.

“In line with the participation of Duterte in the 2nd Belt and Road Forum in Beijing on 25 April 2019… the Philippines will also be signing over US$10 billion worth of deals, which translates to around 20,000 jobs,” pahayag ni Lopez.

“There will be an investment and business matching forum and signing of agreements,” dagdag niya.

Bukod sa opisyal na delegasyon, kasama ng Pangulo na dumating sa China ang kaniyang official family na sina Honeylet Avanceña at anak nilang si Veronica.

Ito na ang ika-4 na beses na pagpunta ng Pangulo sa China at layon nito ang dagdag na mga proyektong pang-imprastraktura para isulong ang “Build, Build, Build” projects ng kanyang administrasyon.