Willie Revillame, nag-react sa biro ni SPOX Harry Roque ukol sa ABS-CBN shutdown

Willie Revillame, nag-react sa biro ni SPOX Harry Roque ukol sa ABS-CBN shutdown

Hindi sinakyan ng TV host na si Willie Revillame ang pang-aalaska ni Presidential Spokesperson Harry Roque ukol sa pagsasara ng ABS-CBN dahil sa isyu sa prangkisa.

Sa pagbisita sa programang “Wowowin” ni Kuya Wil, nagbiro si Roque at sinabing “sa kauna-unahang pagkakataon, ikaw lang ang napapanood sa buong bansa.”

“Alam mo, duda ko, kaya ‘yung isa nawalan ng prangkisa, ikaw may kagagawan niyan. Oh, aminin, aminin,” dagdag niya.

Nagbigay-suporta naman si Kuya Wil sa ABS-CBN, kung saan siya nagsimula sa larangan ng showbiz.

“Malaki din po ang utang na loob ko sa istasyon na yan. Doon ako nagsimula, doon ako nakilala, nasa puso ko pa rin ‘yan. Kapamilya, Kapatid, Kapuso, bawat Pilipino,” tugon ni Revillame.

“Kaya Sec, ‘wag mo akong idamay. Baka ma-bash po ako. Nanahimik po ako,” banggit niya pa.

Bigkas naman ni Roque: “Pero anyway, nag-iisa na lang kayo.”

Dahil dito, tinungo na ni Kuya Wil ang usapan sa kinabukasan ng bawat Pilipino na nilalabanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis sa bansa.

“‘Wag na nating pag-usapan ‘yan. Hindi natin paguusapan ang kahit ano mang prangkisa. Ang paguusapan natin dito ay ‘yong ating hinaharap na kinabukasan,” sabi ni Revillame.

PANOORIN: KUYA WIL, NABIGLA SA MGA SINABI NI PRESIDENTIAL SPOKESPERSON HARRY ROQUE

PANOORIN: METRO MANILA, POSIBLE BANG SUMAILALIM SA “GENERAL COMMUNITY QUARANTINE?”

MAGBIBIGAY SA GOBYERNO

Samantala, ipinaabot ni Kuya Wil ang interes na makausap ng personal si Pangulong Rodrigo Duterte kahit saglit lang dahil mayroon aniya itong mahalagang sasabihin at may gustong ibigay para sa gobyerno.

“Gusto kong makausap si Presidente to be honest with you, mayroon akong gustong ibigay sa pamahalaan. Ito ho ay galing sa akin, at ipinagdasal ko ito, pinag-isipan ko ito, kinausap ko yung aking partners, sabi ko puwede ko bang gawin ito?” ani Revillame.

Aniya, nakipag-ugnayan na siya kay Senador Bong Go para makausap ang Pangulo na tinugon naman at i-schedule ito.

Bagamat hindi nagbigay ng detalye si Kuya Wil, sinabi nitong may kinalaman para sa mga Pilipino ang gusto niyang sabihin sa Pangulo.

“Kung mamamarapatin niyo, kayo na ang maging tulay ko, kayo ni Senator Bong Go kahit five minutes lang, mayroon lang akong gustong sabihin sa kanya at may gustong gawin para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Revillame.

Sinabi pa ni Kuya Wil na si Pangulong Duterte ang tatay ng mga Pilipino, at anak niya ang mga mamamayan kaya siya pinagtitiwalaan ng mga ito.

Aniya pa, sobra-sobra ang natatanggap na biyaya at nais niyang ibahagi ito sa mga tao lalo na ngayong panahon ng COVID-19 crisis.

“Im so blessed, sobrang blessed akong tao at gusto kong makatulong lalo na ngayong panahon ng COVID-19 crisis,” ani Revillame.

PANOORIN: ANO ANG MANGYAYARI SA SHOWBIZ INDUSTRY SA ILALIM NG “NEW NORMAL?”

PANOORIN: TAPATAN WITH PRESIDENTIAL SPOKESPERSON HARRY ROQUE