BIR sa mga online sellers: Huwag kalimutan na magpa-rehistro at magbayad ng tax para hindi mamultahan

BIR sa mga online sellers: Huwag kalimutan na magpa-rehistro at magbayad ng tax para hindi mamultahan

Mahigpit na ngayong inatasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga online seller at mga kahalintulad na negosyo na gumagamit ng digital o electronic platform na iparehistro ang kanilang negosyo.

Ito ang naging laman sa inilabas na Revenue Memorandum Circular 60-2020 kung saan para matiyak na sumasang-ayon ang kanilang negosyo sa probisyon na nakasaad sa section 236 o Tax Code.

Dapat din aniyang ideklara ang paraan ng kanilang pagbabayad, ginagamit na internet service providers at iba pang mga facilitators.

Nagbigay ang nasabing ahensiya ng hanggang Hulyo 31, 2020 na dapat irehistro ng mga online seller ang kanilang negosyo para maiwasan nila ang pagbabayad ng multa.

“This Circular is issued to give due notice to all persons doing business and earning income in any manner or form, specifically those who are into digital transactions through the use of any electronic platforms and media, and other digital means, to ensure that their businesses are registered pursuant to the provisions of Section 236 of the Tax Code, as amended, and that they are tax compliant,” ayon sa memo ng BIR.

“Likewise, they are encouraged to voluntarily declare their past transactions subject to pertinent taxes and pay the taxes due thereon, without corresponding penalty, when declared and paid on or before the said date,” lahad pa.

Nabatid na mula ng magpatupad ng community quarantine sa bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay lumubo ang online selling sa social media.

Nauna na ngang inihayag ng Department of Finance (DOF) sa pamamagitan ng BIR, na pinag-aaralan nila kung papaano papatawan ng buwis ang digital activities tulad ng online sales at streaming services.