in

Rescue operation tuloy dahil sa mga boses at text mula sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga

Patuloy pa rin ang search and rescue operation sa mga natabunan ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.

Nangyari ang pagguho sa apat na palapag na gusali matapos yanigin ng magnitude 6.1 na lindol nitong Lunes nang hapon.

Ayon sa ulat, ipagpapatuloy pa ang operasyon dahil may mga boses pa raw na naririnig mula sa gumuhong gusali.

“The rest naman ay na-rescue, more or less, 138 lahat ‘yun nandito sa loob ng supermarket pero meron pang missing dito na confirmed one. Pero ang sabi ng ating mga rescuer, dalawa ‘yung naririnig nila na (mayroong) sign of life.”

Agad na kumilos ang mga search and rescue team para mailigtas ang mga nasa loob ng supermarket dahil may mga nakakapag-text pa umano sa mga kamag-anak.

Bagamat naiulat na isa na lamang ang posibleng nawawala pa, maaaring dalawang katao pa ang na-trap sa loob ng gusali.

Ngunit hindi pa rin ito tiyak dahil wala naman daw nakakaalam ng eksaktong bilang ng tao sa loob ng Chuzon Supermarket noong mangyari ang trahedya.

Samantala, ayon sa isang survivor, sobrang hirap raw ng dinanas nila bago nakaalis mula sa guho at inakalang mamamatay na sila sa loob.

“Napakahirap po. Wala kaming ibang ginawa kundi humingi ng habag sa Panginoon. Wala na kaming choice no’n.”

Isinailalim na ngayon sa state of calamity ang ikalawang distrito ng Pampanga matapos ang lindol.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0