in

Mayor Isko Moreno, pinasisibak ang PCP commander ng Plaza Miranda; basura nagkalat sa kanyang nasasakupan

Pinasisibak na rin ang Police Community Precint (PCP) commander ng Plaza Miranda sa Quiapo dahil sa basurang inabutan na nagkalat sa kanyang nasasakupan.

Sa sorpresang pag-iikot ni Manila Mayor Isko Moreno ng madaling araw, nadiskubre nitong nagkalat ang basura ng mga vendor sa gitna ng kalsada mula sa kahabaan ng Carriedo patungong Quiapo.

WATCH: Isa man ang Carriedo St. sa Quiapo sa mga kalsadang unang nilinis ni Mayor Isko Moreno pagkaupo sa puwesto, ito naman ang dinatnan ng alkalde sa surprise inspection niya.

Nang mapadaan naman si Mayor Isko sa tapat ng simbahan kung saan naroon ang PCP substation, napuna nitong patay ang ilaw ng presinto at wala ring pulis na nag-iikot na maaari aniyang mga tulog.

“Sinabi ko na ah. Sinong major diyan? Sige bwelta ka na, makakadaan ka pa ba? Wala ng daan eh, paano pati sa gitna ng kalye e, basura, vendor. Ay nako ah,” ani Moreno.

“Sino nga yung major dito? Sinong commander dito? Ipa-relieve yan bukas ah. Sinasabi ko na eh,” dagdag pa niya.

Dahil dito, ipinasisibak ni Moreno kay MPD District Director Brig. General Vicente Danao Jr, ang PCP commander dahil sa kapabayaan nitong mapanatiling malinis ang Carriedo gayundin ang paligid ng Quiapo.

Sa patuloy niyang pag-iikot, ininspeksyon din ni Mayor Isko ang Ospital ng Maynila at inalam ang kalagayan ng mga pasyente matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga netizen kaugnay sa hindi magandang serbisyo ng pagamutan.

Ayon kay Moreno, maayos naman ang ospital maliban lamang sa MRI na hindi napapakinabangan ng mga pasyente dahil hindi ito gumagana o depektibo.

Umikot din si Mayor Isko sa Tondo, partikular sa kahabaan ng Capulong at Road 10 kung saan may mga truck driver pa ring pasaway na magpaparada sa ibabaw ng tulay kaya naman nakatikim ng kanyang sermon.

Pagsapit sa Divisoria, bagamat maraming nagtitinda ng gulay, natuwa naman si Moreno dahil maluwag ang kalsada at maari pa ring daanan ng mga sasakyan ang isang lane.

Nakiusap naman si Moreno sa taumbayan na makiisa, tumulong sa kanya upang maisaayos ang Maynila.

Sinabi rin nito na may gobyerno na ang Maynila kahit sa gabi dahil patuloy siyang mag-iikot kahit pa dis oras na ng gabi.