MAGANDA PA YUNG SQUATTERS: Nanay na nagbigyan ng libreng pabahay sa Baseco, problemado

Inulan ng batikos mula sa netizens ang isang babae matapos niyang paulanan ng reklamo ang kanyang paglipat sa ‘Basecommunity’ sa Baseco Compound na proyekto ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Ang layon ng proyekto ay mabigyan ng disenteng pamamahay ang mga mahihirap na Manilenyo. 

Kada bahay ay may 42 square meters, may 2 bed rooms sa second floor, kitchen area, comfort room at may linya ng tubig at kuryente.

Kasabay nito, tila hindi lahat ng benepisyaryo ng pabahay ay natutuwa sa proyektong ito at isa na dito ang isang nanay na nakapanayam ng vlogger na si Khopars.

Imbes kasi na matuwa at magbigay ng papuri sa 229 units na housing project ng lokal na pamahalaan, mga reklamo ang sambit ng nasabing babae.

Isa sa inereklamo ng babae ay ang 2,000 monthly mandatory contribution para sa pamilyang kumikita ng P12,000 habang P3,000 naman kapag nasa higit P13,000 ang kita o sweldo.

“Maganda nga ‘yung bahay pero pag gising mo mag iisip ka ng pambayad, wala ka namang hanapbuhay,” sabi ng babae.

“Kung hindi nasunog mas maganda pa ‘yung squatters nalang kami, hindi pa kami mag iisip ng kung ano ano na pambayad namin, kung may babayaran kami o wala,” sabi pa niya.

“Ang iintindihin lang namin pagkain namin, bahay namin hindi na kami magbabayad siyempre squatters,” dagdag niya pa.

Aniya pa, wala silang pinirmahan na agreement kaya’t ang paniniwala niya ay habambuhay nilang babayaran ang nasabing bahay.

Inireklamo din niya ang mahigpat na pagbabawal sa bawat occupant na patirahin o ipasalo sa iba ang bahay ng hindi sumasangguni sa lokal na pamahalaan.