Ama ng military nurse na nasawi sa pagbagsak ng C-130 plane sa Sulu, labis ang paghihinagpis

Labis ang paghihinagpis ng mga kaanak ng mga nasawi sa pagbagsak ng C-130 plane ng Philippine Air Force (PAF) nitong Linggo sa Patikul, Sulu.

Isa sa mga lubos na nagdamdam sa pangyayari ay si retired colonel Wilfredo Tato.

Siya ang ama ng isa sa mga nasawi sa aksidente, si 1LT Sheen Alexandria Tato, na isang flight nurse ng PAF.

Ayon kay Wilfredo, ang kanyang impluwensiya sa anak ang naging rason kung kaya’t nagsumikap itong maging isang flight nurse kaya ganun na lamang ang kanyang kalungkutan sa sinapit ng anak na babae.

“Ang hindi ko lang maintindihan bakit sa ganitong paraan ka kinuha ng Panginoon? Iyan ang hindi ko maintindihan. Bakit sa ganitong paraan?” emosyonal na pahayag ni Wilfredo sa isang panayam sa kanya.

Si 1LT Sheen ay isa sa 49 sundalong pumanaw dahil sa malagim na aksidente.

Sa pagdalaw naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Zamboanga ay pinarangalan nito ang mga nasawi, kasama si 1LT Sheen, ng Order of Lapu-Lapu – Rank of Kalasag.