Pro-Duterte blogger na si Niño Barzaga, inaresto at kinasuhan dahil sa mga banat kay Mayor Isko Moreno

Inaresto ang isang kilalang blogger at taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong three counts ng cyber-libel sa isinagawang operasyon ng Manila Police District (MPD) sa Baguio City, Benguet.

Bitbit ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 28, Cabanatuan nang arestuhin nila ang suspek na si Niño Barzaga, 43-anyos, na nakatira sa No.33 Hamada Road, Brgy. Lourdes Ext., Baguio City.

Nabatid na gumawa ng isang video si Barzaga kung saan binanatan nito si Manila City Mayor Isko Moreno.

Hindi umano matanggap ng isang taga-suporta ni Moreno ang ginawang paninira ni Barzaga kaya nagsumbong ito sa mga pulisya at nagbigay ng impormasyon na nagtatago ang blogger sa Baguio City.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang awtoridad, kung saan nagpanggap ang isa sa mga pulis at tumawag sa suspek at sinabi na nanalo ito ng isang kaban ng bigas.

Dahil dito, natuwa ang suspek at agad na nakipagkita sa caller na lingid sa kanyang kaalaman ay kabilang sa operatiba ng pulisya na nagresulta sa kanyang pagkaka aresto.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek kung saan maaari itong makapaglagak ng kanyang piyansa na may halagang P10,000 kada cyber-libel case na kanyang kinakaharap.