in

Mayor Isko Moreno, nag-alok ng P1M pabuya para sa ikadarakip ng 7 suspek sa Binondo bank robbery

Nag-alok na ng P1 million pabuya si Manila Mayor Isko Moreno sa sinumang makakapagturo, nakakaalam o makakapagbigay impormasyon sa tinatayang 7 suspek na nanloob sa sangay ng Metrobank sa Binondo, Maynila.

“I am now offering P1 million for the arrest of these at least 7 suspects na kinuha ‘yung CCTV ng bangko but as per information, the Manila Police District already have a copy of the CCTV from the barangay,” sabi ni Moreno.

Kinagulat naman ni Mayor Isko Moreno na alam ng mga suspek kung nasaan ang CCTV at kasama ito sa kinuha ng mga nanloob.

“I hope itong mga kriminal na ito, tumigil na po kayo. Huwag po kayo pumunta sa Maynila. We will pursue, hahanapin po namin kayo, hindi namin kayo bibigyan ng kapanatagan. Hindi namin kayo papayagan na guluhin, perwisyohin ang mamamayan ng lungsod ng Maynila,” sabi ni Moreno.

Samantala, kinondena naman ng Metrobank ang insidente at sinabing walang kliyente ang naapektuhan at maging lahat ng kawani nito sa sangay ay ligtas.

“We will be working closely with the Philippine National Police (PNP) and other authorities to ensure that the perpetrators are apprehended,” ayon sa Metrobank.

Ayon sa mga saksi, nakasuot ng uniporme na pang-security guard ang mga kawatan.

“Nakita na lang namin ‘yung motor nila rito, nung dalawang security guard, kinuha nila rito natataranta, nagmamadali,” kuwento ng isang lalaking testigo.

Dagdag pa ng testigo na kapwa naka-helmet ang mga ito at sakay ng motorsiklong walang plaka.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng MPD-PS 11 sa insidente, hinihingan na rin ng pahayag ang mga empleyado na magsisilbing complainant laban sa mga holdaper.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0